Atin ‘to: Paglalayag sa West Philippine Sea sa piling ng mga mangingisda

Mayo 15, 2024. Maalinsangan ang madaling-araw nang dumating ako sa tagpuan ng mga mangingisda at grupo ng Atin Ito volunteers, isang multi-sektoral na organisasyon na sumusuporta sa paggigiit ng soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Sama-samang nagtungo sa pantalan at lalahok sa isang “Bancaravan” na layuning maghahatid ng ayuda sa ibang mangingisda sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

Sumalubong sa aming paglalayag ang pambungad na pagsilip ng araw sa kalangitan na nagpakulay-ginto sa maalat na tubig sa dalampasigan. Handa ng baybayin ang masaganang karagatan ng West Philippine Sea.

Makikita sa kulay ng balat ng mga mangingisda na pinanday na sila ng karanasan at kaalaman sa matagal na panahon ng paglalambat at pagsisisid sa naturang lugar.

Kinabukasan, madaling araw isinagawa ang “simbada” na animo’y sayaw na sabay-sabay ang paghatak sa singsing ng lambat.

Halos hindi mapuno ng mga isda ang tumatambad na fishing net basket. Matamlay na ang malalim na ugnayan ng mangingisda sa karagatan, ang mga kuwento nito, kasipagan at pasensiya.

Ngunit sa kabila ng kakapusan sa huling isda, ang pagbibigkis ng mga mangingisda ang nagpapatatag ng kanilang mga pagtitika at pagpapasiya para paalabin ang kanilang pagmamahal sa karagatan.

Abot tanaw na ang paglubog ng araw, kasabay ng pagtatapos ng civilian supply mission. Pinintahan na ng kulay kahel at rosas ang kalangitan. Oras na para bumalik sa baybayin.

Huling pagpapakita ng kagandahan, ang walang hanggang ritmo ng buhay sa karagatan.

Sana’y makasama muli sa paglalayag sa West Philippine Sea at makarating mismo sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal. Ngunit sa aking palagay ay imposible na itong mangyari dahil nakabantay na ang naglalakihang mga barko ng China Coast Guard.

Sana sa pagbabalik ay matunghayan na puno na ang mga sisidlan ng mga huling isda at malayang nakakapamalakaya ang mga mangingisdang Pilipino sa malawak na West Philippine Sea.

Atin ‘to!

(Kwento at mga larawan ni Romeo Mariano)

Leave a comment

Create a website or blog at WordPress.com